-- Advertisements --

KORONADAL CITY — Nagpapatuloy pa sa ngayon ang imbestigasyon ng mga otoridad sa nangyaring pananambang-patay sa isang Korean national sa Sanchez St., Barangay Poblacion, Polomolok, South Cotabato.

Kinilala ng Police Polomolok PNP ang biktima na si Jung Jang Ho, 45, Korean national at residente ng Macademia St., Lantana Subdivision, Barangay Cannery Site ng nasabing bayan.

Lumabas sa imbestigasyon ng Polomolok PNP na minamaneho ng biktima ang Toyota Innova na kulay silver at may plate number ZKL-181 sa Sanchez Road papuntang provincial road nang pinagbabaril ng dalawang suspek na agad tumakas matapos magawa ang krimen.

Tinamaan umano ito ng bala sa ulo hanggang sa nawalan ng kontrol sa kanyang sasakyan na dumiretso sa gutter shoulder ng daan.

Isinugod pa sa sa pagamutan ang biktima ngunit hindi na umabot ng buhay.

Narekober sa pinangyarihan ng krimen ang pitong basyo ng bala na umano’y nagmula sa kalibre 9mm.

Sa ngayon, personal grudge ang isa sa mga tinitingnang motibo ng mga kapulisan sa motibo sa nasabing krimen.