Kinatigan ng Korte Suprema ang hatol na habambuhay na pagkakakulong sa isang South Korean pastor na napatunayang nanlinlang ng tatlong menor de edad para sumali sa kanyang simbahan at gawin ang konstruksyon ng kanyang gusali.
Sa Desisyon na isinulat ni Associate Justice Samuel Gaerlan, guilty ang hatol ng Supreme Court Third Division kay Si Young Oh, o kilala rin bilang “Steve Oh” (Si Young Oh), sa kasong qualified trafficking in persons sa ilalim ng Republic Act No. (RA) 9208 o ang Anti-Trafficking in Persons Act of 2003.
Napatunayan sa Korte na si Si Young Oh mismo o ang kanyang assistant ang nagrecruit at nagdala sa tatlong menor de edad papuntang Pampanga para maging estudyante ng theology sa kanyang simbahan. Pero sa halip na mag-aral, napilitan silang gawin ang manu-manong pagtatayo ng gusali nang walang sweldo, kapalit ang maliit na allowance.
Ayon sa Korte, pinagsamantalahan ni Si Young Oh ang pananampalataya ng tatlo at wala silang kakayahan sa ilalim ng batas na magbigay ng pahintulot dahil mga menor de edad sila.
Pinagbabayad ng Korte ang pastor ng multang nagkakahalaga ng P2 million at P1.8 million na danyos.
Habambuhay na pagkakakulong ang parusa sa qualified trafficking kapag mga menor de edad ang biktima o di kaya’y tatlo o higit pa ang mga biktima.