-- Advertisements --

CEBU CITY – Arestado sa isang mall sa Brgy Apas, Brgy. Lahug, lungsod ng Cebu ang isang Korean national na pinaghahanap ng otoridad sa bansang South Korea dahil sa akusasyon na nasangkot sa fraud o panloloko.

Hindi na nakawala pa sa mga kamay ng otoridad si Kim Byunggon, 43, matapos inilunsad ng Lapu-Lapu City Field Unit ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang joint operation kasama ang ibang ahensiya ng otoridad.

Ayon kay CIDG-Central Visayas chief Colonel Ireneo Dalogdog, hinahanap ng South Korean authorities si Byunggon dahil sa umabot sa 200 million Won o nasa tinatayang P10 million ang nakuha nito mula sa mga naging biktima.

Nagpanggap umano ito na may mga negosyo at nanghikayat ng mga investors ngunit hindi umano ito nag-iisa at mayroong grupo.

Lumabas ang arrest warrant ni Byunggon noong May 21 nitong kasalukuyang taon at sa pamamagitan ng tip mula sa Bureau of Immigration na nakatanggap din ng impormasyon mula sa National Police Agency sa South Korea, naaresto ang suspek.

Kasalukuyang nasa kustodiya ng Bureau of Immigration ang Korean national at pinaplantsa na rin ang pagpapa-deport nito pabalik sa South Korea.