-- Advertisements --

KORONADAL CITY – Inamin ni Koronadal City Mayor-elect Eliordo Ogena na may lapses o kakulangan ang mga lokal na opisyal kung bakit marami ang nabiktima ng iligal na operasyon ng Kabus Padatuon o KAPA investment scam sa lungsod.

Sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal kay Ogena, sinabi nito na dapat noon pa umaksyon ang local government unit upang hindi na dumami pa ang mga naengganyo ng KAPA founder na si Joel Apolinario.

Aminado rin ang incoming mayor na maging ang mga staff nito ay nag-donate din sa KAPA dahil sa umano’y “return of investment.”

Kaugnay nito, nagpahayag ng pagkabahala ang alkalde na hindi na mabawi pa ng mga investors ang kanilang pera dahil sa pinirmahang donasyon lamang ito.

Ngunit umaasa rin si Ogena na mapapanagot ang mga opisyal ng KAPA para sa panloloko sa libo-libong mamamayan sa pangunguna ni Apolinario.

Kasabay nito, ipinasiguro ng alkalde na susundin ang mandato mula sa Department of the Interior and Local Government na hindi bibigyan ng permit o ire-revoke ang permit na naibigay na ng city licensing office sa KAPA at sa ibang negosyo o establishment na konektado sa nasabing grupo.