KORONADAL CITY – Hinamon ni Koronadal City treasurer Marlon Gumbao ang mga namumuno sa Kabus Padatoon (KAPA) Ministry International Inc. sa lungsod, lalo na ang founder ng mga ito na si Joel Apolinario, na huwag magtago sa palda ng relihiyon dahil malaki ang pananagutan nila sa Diyos.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Koronadal kay Gumbao, sinabi nito na ginagamit lamang ng KAPA ang relihiyon upang makapanloko ng mas maraming investors.
Wala naman aniyang simbahan o oras na nagtitipon ang mga ito para manalangin, bagkus ay pera ang sinasamba ng mga miyembro nito na nasisilaw sa 30 percent na interes ng kanilang investment.
Kaugnay nito, nakatakdang mag-convene ang Koronadal City Government upang talakayin ang operasyon ng KAPA.
Ipinasiguro rin ni Gumbao na ipapatupad nila ang mahigpit na permitting sa KAPA kung saan oobligahin nila ang mga legal documents para sa kanilang operasyon sa lungsod.
Sakaling hindi susunod ang mga ito, ipapatupad ng city government ang pag-padlock sa kanilang tanggpan.
Dagdag pa nito, ang magiging kawawa sa huli ay ang mga investor na naging willing victims sa mga pangako ni Apolinario.