-- Advertisements --

Nakatakda nang maglabas ang korte ng desisyon nito sa hazing case laban sa ilang mga kadete ng Philippine Military Academy (PMA) na umano’y may kaugnayan sa pagkamatay noon ni 4th Class Cadet Darwin Dormitorio.

Ang naturang hazing incident ay nangyari pa noong 2019.

Itinakda ni Baguio City Regional Trial Court Branch 5 Presiding Judge Ligaya Itliong-Rivera ang promulgasyon sa naturang kaso sa August 16, 2024.

Kabilang sa mga pangunahing suspek sa pagkamatay ni Dormitoryo ay sina 3rd Class Shalimar Imperial Jr., at Felix Lumbag Jr., habang isa pang kadete na kinilalang si 3rd Class Julius Tadena ay kasali rin sa mga nasasakdal.

Setyembre 18, 2019 noong namatay si Dormitoryo dahil sa umano’y tinamong mga sugat na sinasabing kagagawan ng kanyang mga upperclassmen sa military school.

Ang naturang insidente ay naging dahilan upang ipanawagan ng maraming mga mambabatas at at mga opisyal ng bansa ang pagbabago sa Anti-Hazing Law at magpataw ng mas mabigat na parusa.

Dahil din sa naturang kaso, tuluyang nagbitiw sa pwesto noon si dating PMA Commandant of Cadets Bartolome Vicente Bacarro at PMA Superintendent Lt. General Ronnie Evangelista.

Samantala, kung hindi sana nasawi ang kadeteng si Dormitoryo at nagpatuloy sa PMA, nagtapos na sana ito bilang miyembro ng PMA Madasigon Class of 2023.