Hinimok ng Korte Suprema ang mga korte at mga empleyado ng hudikatura na iwasang gumamit ng mga single-use plastic sa kanilang pang-araw-araw na aktibidad.
Nakasaad sa Memorandum Order No. 74-2024 na pinirmahan ni Chief Justice Alexander Gesmundo na ito ay bilang pagprotekta sa karapatan ng mga tao para sa balanse at malusug na kapaligiran.
Pinaalalahanan nito ang mga empleyado ng lower court at lahat nang kabilang sa hudikatura na pag-isipan ang ang paggamit ng mga single-use plastics.
Bilang alternatibo, sinabi ng SC na maaaring gumamit ng sustainable materials katulad ng metal o bamboo straw, reusable na pinggan at iba pang food containers, cloth bags, atbpa.
Nakasaad din sa Memo na dapat iwasan ng mga procurement office ng Judiciary ang pagbili ng mga single-use plastics bagkus ay tangkilikin na lamang ang mga bagay na maaari pang uliting gamitin.
Kung hindi naman maiiwasan at kailangan talagang gumamit o bumili ng mga plastic products, nakasaad sa memo na i-recycle ang mga ito at itapon ng maayos nang naaayon sa itinatakda ng Ecological Solid Waste Management Act.
Ilan sa mga halimbawa ng single-use plastics ay ang mga plastic bag, straw, plastic cups, plastic plates, at iba pang mga kagamitan na gawa sa plastic at nagiging malaking kontribusyon sa pagkasira ng kapaligiran, lalo na ang marine resources.