-- Advertisements --

Humingi na ng tulong ang kataas-taasang hukuman o Supreme Court sa ilang mga ahensya ng gobyerno upang matukoy na ang mga nasa likod ng pagkalat sa mga pekeng dokumento umano ng hukuman.

Partikular dito ang panawagan nilang matulungan ang kanilang tanggapan na tuluyan ng makilala at maberipika kung sinu-sino nga ba ang pasimuno ng ganitong uri ng gawain.

Ayon mismo kay Supreme Court Chief Justice Alexander Gesmundo, kinakailangan maresolba ito sapagkat aniya’y iniingatan nilang hindi magamit ang hukuman upang makapambiktima at makapangloko lamang ng mga tao.

Kung saan nakikipag-ugnayan na raw sila sa Philippine National Police (PNP) at National Bureau Investigation (NBI) nang sa gayon ay tiyak na madiskubre ang mga indibidwal na layong makapanikil ng pera sa mga biktima.

Matatandaan na una ng naglabas ang Korte Suprema ng isang babala hinggil sa pagkalat ng mga pekeng notisya, resolusyon, at ilan pang dokumento na umano’y galing pa sa kanilang opisina.

Maging ang pagpapanggap bilang mga tauhan ng korte o court officials ng ilang indibidwal ay siya ring binabantayan upang matulungan ang ilang biktima na target pa umanong kuhaan ng pera.

“Huwag basta maniniwala sa mga bagay na yan, magberipika at magtanong. May mga ahensiya kayong mapupuntahan, mapagtatanungan para mapatunayan kung totoo ba yang mga notisyang natatanggap,” ani Supreme Court Chief Justice Alexander Gesmundo.

Dagdag pa rito, ibinahagi ni Supreme Court Chief Justice Alexander Gesmundo na mismo siya ay naranasan at nadiskubre na ang kanyang ngalan ay ginagamit sa mga pekeng dokumento.

Kaya naman payo niyang muli sa publiko na huwag agad-agad na magpapaniwala sa kung anumang papeles o notisya na galing umano sa korte ng hindi pa nabeberipeka.

Aniya napapanahon na upang mas maging alerto ang publiko hinggil sa mga dokumentong natatanggap kasabay ng pagtitiyak na ito’y tunay.

May mga ahensiya naman raw na posibleng puntahan upang maipaberipika kung siyang hindi peke ang hawak-hawak na court document.