-- Advertisements --

Iginiit ng Korte Suprema ang kahalagahan sa pagkakaroon ng maayos na kulungan sa mga naaresto at nadetenang mga indibidwal.

Kung saan ipinaalala ng kataas-taasang hukuman na tungkulin ng pamahalaan ang makapagbigay ng malinis, ligtas, at maayos na kagamitan sa mga detention facilities.

Ito ay kasunod ng kanilang isinapublikong pahayag na kinatigan ng Second Division ng Korte Suprema ang pagbasura ng Ombudsman sa reklamong inihain ng Commission on Human Rights laban sa ilang pulis ng Tondo, Maynila.

Base sa isinumiteng kaso, inakusahan raw ng naturang komisyon ang mga opisyal sa pagkakaroon ng ‘secret detention cell’ sa loob ng Raxabago Police Station 1.

Ayon kasi sa kanilang panig, natuklasan na may tatlong lalaki at siyam na babae ang nagtatyagang magsisiksikan sa isang maliit at maruming silid sa likod ng isang kahoy na istante.

May video rin anila na makapagpapatunay sa sinasabing lihim o tagong selda.

Ngunit paliwanag naman ng mga inakusahang pulis, ang naturang maliit na silid ay pansamantalang holding area lamang nila para sa mga nakakulong na naghihintay ng imbestigasyon.

Gayunpaman, nauna ng ibinasura ng Ombudsman ang reklamong isinampa laban sa kanila dahil sa hindi malinaw ang kuha ng video at kinilala rin nito ang isyu sa masikip na mga kulungan sa bansa.

Kaya naman kaugnay sa kasong ito, ipinaalala ng Korte Suprema sa mga kapulisan na panatilihing malinis ng mga selda kahit pa ito’y isang holding area pa lamang.