Iimbestigahan ng Korte Suprema ang ipinakalat na fake news sa social media na nakatanggap ito ng petisyon na may 16 na milyong lagda na nananawagan umano sa pagbibitiw ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Nauna na ngang itinanggi ni SC spokesperson Camille Ting ang naturang dokumento at sinabing walang ganitong statement na inisyu ang tagapagsalita ng SC.
Wala din aniyang katotohanan ang pagsasagawa ng scheduled session ng En banc nitong Lunes, Marso 17 kaugnay sa naturang usapin.
Kaugnay nito, sinabi ng SC official na isusumite para sa kaukulang aksiyon ang mga ganitong gawain ng disinformation kabilang ang nakaraang ipinakalat na maling reports noong March 11, ang araw na inaresto si dating Pangulong Rodrigo Duterte, kung saan naglabas umano ng temporary restraining order (TRO) ang Korte.
Gagawa din ng kaukulang hakbang ang SC kabilang ang pagpapataw ng karampatang sanctions sa mga responsable sa likod nito.
Hinikayat naman ng Korte Suprema ang publiko na sumangguni lamang sa mga opisyal na pahayag ng Korte at sa verified social media accounts.
Binalaan din nito ang publiko sa pagbabahagi ng mga hindi beripikadong impormasyon at sa halip ay dapat na beripikahin muna ang katotohanan ng anumang statement na nagmula umano sa Korte Suprema bago ito ipakalat.