Hinimok ng Korte Suprema ang mga bar examinees, mga magulang, kapamilya, at iba pang stakeholders na tumutok lamang sa official communication channel ng SC, kasabay ng nakatakdang paglabas sa resulta ng 2023 Bar Examinations bukas, Dec. 4.
Nakatakda kasi itong ilabas sa pamamagitan ng livestream bukas, gamit ang webpage ng Korte Suprema.
Samantala, tiniyak naman ni 2023 Bar Exam Chair Associate Justice Ramon Paul Hernando, na nakalatag na ang mga security measures na isasagawa bukas.
Buong premises aniya ng Korte Suprema ay mayroong security personnel na magbabantay para sa seguridad ng mga maghihintay sa resulta.
Pinayuhan naman ni Justice Hernando ang mga magtutungo sa Supreme Court premises na magsuot ng disenteng kasuutan.
Sasailalim aniya sa security inspection ang mga ito, bago sila papapasukin. Hinihikayat din ang mga ito na magsuot ng facemask.
Samantala, nakatakda naman sa December 22, 2023 ang oath taking at roll signing ceremonies para sa mga makakapasang abugado.
Ito ay gaganapin sa SMX Convention Center Manila sa Pasay City.