Ipinag-uutos na ng kataas-taasang hukom o korte suprema na gawing electronic ang paghahain sa mga kaso ng annulment at nullity ng kasal.
Sa isinapublikong pahayag at abiso ng Supreme Court, dapat na umanong isumite at ihain ang mga ganitong uri ng kaso gamit ang electronic system nito.
Base kasi sa resolusyon kamakailan ng Supreme Court En Banc sa pinalawak na Rule 13-A ng Rules of Civil Procedure, minamandato nito na ipatupad ang electronic filing ng mga kasong partikular sa pagpapawalang bisa ng kasal.
Maging ang service of pleadings, paghahain ng mosyon at iba pang papeles na may kaugnayan sa civil cases ng first- at second-level courts ay electronic na rin.
Maalala na bago ipatupad ang pagbabagong ito ay hindi pa saklaw ng Rule 13-A ang special proceedings gaya ng annulment at nullity of marriage cases.
Kung saan mismo ang Office of the Court Administrator ang nagrekomenda na isama ang mga ganitong kaso sapagkat anila’y pareho naman ang procedures to civil actions nito.
Ayon naman sa office of the spokesperson ng Korte Suprema, ang inisyatibong ito ay bahagi ng kanilang mga hakbang sa ilalim ng Strategic Plan for Judicial Innovations 2022-2027.