-- Advertisements --

Itinakda na ng Korte Suprema sa susunod na taon ang oral arguments sa mga petisyong kumukuwestyon sa paglilipat ng pondo ng Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth) sa national treasury.

Batay sa report ng SC, gaganapin ang pagdinig sa Pebrero-4, 2025.

Una na itong itinakda ng kataas-taasang hukuman noon pang Nov. 12 ngunit hindi agad isinapubliko.

Dating nakatakda sa January 14, 2025 ang oral argument ngunit inilipat din ito ng SC.

Oktobre ng taong kasalukuyan nang maglabas ang korte ng temporary restraining order (TRO) na nagpipigil sa paglilipat ng naturang pondo.

Unang inilipat ng state health insurer ang P20 billion noong May 2024 at sinundan ng karagdagang P10 billion noong Agusto.

Ang pangatlong tranche ay noong Oktobre. Ito ay nagkakahalaga ng P30 billion.

Karagdagang P29.9 billion ang ililipat sana noong Nobiembre ngunit una nang inilabas ang TRO laban dito.