-- Advertisements --

Itinanggi ng Korte Suprema na nakatanggap ito ng petition na humihiling para sa resignation ni Pang. Ferdinand Marcos Jr.

Screengrab from SC FB page @Supreme Court PH

Una kasing kumalat ang impormasyon sa social media na nagsasabing mayroong petisyong inihain sa kataas-taasang hukuman at naglalaman ng 16 million signature at humihiling na mag-resign na ang pangulo.

Ang fabricated document, ayon sa SC ay may petsang March 16, 2025 at tinukoy ang Supreme Court Spokesperson bilang pinanggalingan nito

Giit ng SC, walang katotohanan ang naturang dokumento at hindi naglabas ang tagapagsalita nito ng kahalintulad na pahayag.

Nakasaad pa sa dokumento na nakatakdang mag-convene ngayong araw (March 17) ang Supreme Court En Banc upang ag-usapan ang naturang petisyon.

Pero muling binigyang-diin ng SC na wala din itong katotohanan at hindi nakatakdang mag-session ngayong araw ang En Banc.

Tinukoy din ng SC ang mga naunang kumalat na report na lumabas noong March 11 na nagsasabing naglabas ito ng temporary restraining order (TRO) ukol sa petisyon kaugnay sa tuluyang pag-aresto sa dating pangulo.

Ayon sa SC, ang lahat ng maling impormasyong ito ay dumadaan na sa akmang aksyon. Tiniyak ng korte na iimbestigahan ang lahat ng mga ito at gagawan ng akmang hakbang, kasama na ang pagpataw ng tamang sanction sa sinumang responsable.

Samantala, partikular na tinukoy ng SC ang mga facebook account na ‘Choose Libungan’ at ‘Bernard Flores Maicon’ na dalawa sa mga nagpakalat sa mga naturang impormasyon.

Screengrab from SC FB page @Supreme Court PH
Screengrab from SC FB page @Supreme Court PH

Hinikayat naman ng SC ang publiko na magbase lamang sa official announcement nito na inilalabas sa official website ng Korte Suprema ng Pilipinas (sc.judiciary.gov.ph).