Kinatigan ng Korte Suprema ang naging hatol nito sa isang lalaki na sangkot sa ‘human trafficking’ ng mga menor de edad.
Kung saan mas pinagtibay ng kataastaasang hukom ang resolusyon nitong habambuhay na pagkakakulong sa naturang lalaki na sapilitang pinagtrabaho ang tatlong bata.
Ayon kay Associate Justice Mario V. Lopez, nakasaad sa desisyong isinulat na mariing pinagtitibay ng Ikalawang Dibisyon ng Korte Suprema ang hatol nitong guilty kay Joemari Ubanon para sa qualified human trafficking.
Aniya’y ito ay sa ilalim ng Republic Act 9208 o kilala bilang Anti-Trafficking in Persons Act of 2003.
Dahil dito, kahaharapin ni Ubanon ang multang nagkakahalaga ng dalawang milyon Piso kasabay ng pagbayad ng P600,000 danyos sa bawat bitkimang menor de edad.
Base sa impormasyong ibinahagi ng Korte Suprema, inalok raw ni Ubanon ang tatlong bata para magtrabaho bilang tagapagbalat ng sibuyas na may pangakong sahod na P2,500 kada buwan.
Ang mga biktima ay hindi tumugon sa kanyang paanyaya kaya sapilitan niya itong pinasakay sa bus papunta sa lokasyon ng trabaho umano.
Ngunit taliwas sa pinangakong trabaho, ang mga bata ay nilinlang lamang at ipinadala sa Lanao del Sur at Iligan City para magtrabaho bilang kasambahay.
Habang pinagtatrabaho ang mga menor de edad matapos ang naganap na panloloko sa alok na trabaho, maging ang pasahod sa mga ito ay wala man lang ibinibigay.
Kaya naman, ipinaliwanag ng Korte Suprema ang naging hatol nito lalo pa’t katumbas ng qualified trafficking sa pambibiktima ng mga wala pa sa hustong gulang ay panghabambuhay na pagkakakulong.