-- Advertisements --

Arestado ng mga tauhan ng PNP Integrity Monitoring and Enforcement Group (IMEG) ang isang pulis matapos na inireklamo sa kasong Robbery – Extortion.


Kinilala ni IMEG Acting Director P/COL THOMAS FRIAS JR ang naarestong pulis na si P/SSgt. Marlon De Dios Salim, kasalukuyang nakatalaga sa SLEX Traffic Vehicular Sub Office, Regional Highway Patrol Unit ng NCR sa Paranaque City.

Naaresto si Salim matapos na tanggapin ang P5,000 marked money na iniabot sa kaniya ng complainant sa ikinasa nilang entrapment operations kahapon.

Nag ugat ang reklamo sa nangyaring insidente sa trapiko nuong Enero a-26 sa North Bound ng Skyway sakop ng Brgy. San Martin De Porres kung saan, hiningan ni Salim ang complainant ng P15,000 pesos kapalit ng pagrerelease ng van na nasangkot sa insidente.

Subalit matapos ang serye ng negosasyon at tawaran, bumaba na sa 5,000 ang hinihingi ng Pulis na siyang nag-udyok sa complainant na magpasaklolo sa IMEG para sa agarang aksiyon.

Kasalukuyang nasa Kampo Crame si Salim na nahaharap sa patumpatong na mga kasong administratibo at kriminal.