-- Advertisements --

Arestado ang isang pulis sa ikinasang entrapment operation ng PNP Integrity Monitoring and Enforcement Group (PNP IMEG) na nahaharap sa kasong robbery extortion.

Kinilala ni PNP IMEG Director BGen. Flynne Dongbo ang nahuling Pulis na si PCpl. Alexis Garcia nuong Sabdo August 21.

Sa report ni BGen. Dongbo kay PNP Chief Gen. Guillermo Eleazar, nabatid na ang suspek na si PCpl Garcia ang siyang designated investigator ng Station Drug Enforcement Team, PS-11 ng Zamboanga City Police Office.

Marami na umanong nag rereklamo sa nasabing pulis na nage-extort ng pera sa pamilya ng mga suspeks na siyang may hawak sa mga kaso at sinisiguro nito na madi-dismiss ang kaso at hindi malipat ang mga ito sa Zamboanga City Jail.

Ikinasa ang operasyon sa may bahagi ng Mayor Climaco Avenue sa Zamboanga City na pinangunahan ng mga tauhan ng IMEG, CIDG-9, Regional Mobile Force, PRO-9 at Zamboanga City Police Office.

Ang pagkaka-aresto kay Garcia ay bunsod sa isang reklamo na hinihingan nito ng P120,000.00 ang kaanak ng isang suspek na nahuli dahil sa kasong illegal drugs.

Kasalukuyang nasa kustodiya ng CIDG Regional Field Unit 9 ang suspek na pulis habang hinahanda ang kasong kriminal at administratibo.

Patuloy naman hinihimok ni BGen Dongbo ang publiko na ireport sa PNP o sa kanilang IMEG hotlines hinggil sa mga tiwaling pulis.