Arestado ng PNP Counter Intelligence Task Force (CITF) ang isang pulis dahil sa umano’y pangingikil sa isang habal-habal driver sa Pasay City sa isinagawang operasyon nitong Huwebes ng umaga.
Kinilala ni CITF chief, P/Col. Romeo Caramay ang nahuling pulis na si SSgt. Rommel Macaspac.
Sinabi ni Caramat, inirereklamo si Macaspac ng pangingikil matapos nitong hingan ng P2,000 lingguhang lagay ang mga habal-habal driver.
Ikinasa ng PNP CITF ang operasyon sa may kanto ng Luna Street corner Buendia Avenue.
Isang Rosendo Rama, habal habal driver ang nagsumbong sa CITF dahil binantaan siya ng nasabing pulis dahil sa hindi nito pag remit ng lingguhang hulog at pwersahang kinuha pa ang P1,500 na pera ng kaniyang asawa.
Sa ikinasang entrapment operation ng CITF kinagat ni Macaspac ang nasa P1,000 na patibong.
Sasampahan ng kasong criminal at administratibo si Macaspac.