Pinayuhan ni Senador Christopher Bong Go ang kontrobersyal na kultong Socorro Bayanihan Services Incorporated na harapin at magpaliwanag sa mga akusasyon laban sa kanila.
Ayon kay Go, kung meron man silang kasalanan dapat na papanagutin sa batas dahil mga kawawang menor de edad ang inabuso ng naturang kulto.
Ginawa ng Senador ang pahayag matapos na lumabas sa Social Media ang litrato ni Senador Go kasama ang lider ng kulto na si Jey Rence Quilario.
Paliwanag ni Go hindi niya personal na kakilala si Quilario na sinasabing si Senyor Agila.
Ayon sa mambabatas bumisita sa senado nitong buwan ng hulyo ang grupo mula Socorro, Surigao Del Norte kasama si Board Member Dick Carmona.
Nag-ikot aniya sa ibat ibang opisina ng senador ang grupo kabilang na ang kanyang tanggapan para magpakilala at humingi ng tulong para sa kanilang lugar.
Katulad aniya ng kinagawian ng mambabatas ina-accommodate niya ang sinumang nais magpakuha ng litrato sa kanyang tanggapan o saan man pumupunta ang senador.
Dagdag pa ni Go na bukas ang sinuman na bumisita sa kanyang tanggapan sa Senado basta merong maayos na koordinasyon sa mga kinauukulan.