-- Advertisements --

MOSCOW – Hindi nakikita ng Kremlin bilang credible evidence ang 400-page report ni Special Counsel Robert Mueller hinggil sa issue ng umano’y pakikialam ng Russia sa 2016 U.S. presidential election.

Nakita sa report ni Mueller na inilabas nitong araw ang sinasabing extensive contacts sa pagitan ng 2016 campaign ni Donald Trump at ng mga Russian operatives para mabigyan ng pabor si Trump sa halalan.

Subalit, walang nakitang ebidensya ang naturang report hinggil sa criminal conspiracy sa pagitan ng election campaign ni Trump at ng Russia.

Ayon kay Kremlin spokesman Dmitry Peskov, hindi ipinapakita ng ebidensya na nakialam ang Russia sa U.S. election.

Mariing pinabubulaanan aniya ng Russia ang alegasyon na ito at tinukoy pa ang makailang ulit na pagtanggi ni President Vladimir Putin sa mga paratang na ibinabato sa kanila.

Sa upper chamber ng Russian Parliament, binatikos ng chairman ng information committee na si Alexei Pushkov ang report ni Mueller.

Malaking halaga ng pera ng taumbayan aniya ang ginastos dito subalit hindi naman napatunayan na nakialam ang Russia sa halalan ng Estados Unidos, partikular na sa pakikipagsabuwatan kay Trump. (AP)