Bumaba ang crime rate sa Metro Manila sa 60% sa kakatapos na Holy Week kumpara sa naitala sa parehong period noong nakalipas na taon.
Ayon sa National Capital Region Police Office (NCRPO), tanging nasa 45 insidente ng 8 focus crimes ang naitala sa rehiyon mula Abril 14 hanggang 20.
Ito ay mas mababa kumpara sa 113 insidente na naitala sa kasagsagan ng Mahal na Araw noong nakalipas na taon.
Ayon sa NCRPO, nakapagtala ang rehiyon ng malaking improvement sa pagtiyak sa seguridad ng publiko ngayong Holy Week kasunod ng naiulat na 60.18% na pagbaba sa 8 focus crimes mula Abril 14 hanggang 20 kumpara sa parehong period noong nakalipas na taon.
Partikular na naobserbahan ang pagbaba sa focus crimes ay sa murder – mula sa 8 kaso bumaba ito sa isa; sa rape o panghahalay, bumaba ito mula sa 18 kaso sa apat; sa physical injuries naman bumaba ito mula sa 12 kaso sa 4 at theft o pagnanakaw na bumaba mula sa 55 sa 24 kaso.
Tumaas naman ang mga naresolbang kaso sa Metro Manila ngayong taon sa 88.89% mula sa 73.45% noong 2024.