Iniulat ng Philippine National Police na nakitaan ng malaking pagbaba ang naitatalang mga krimen sa bansa sa nakalipas na isang taon.
Sa talumpati ni PNP chief Police General Rommel Marbil kasabay ginanap na seremoniya para sa ika-123 anibersaryo ng Police Service sa Camp Crame sa, Quezon city, sinabi ng PNP chief na bumaba ang kabuuang crime volume sa bansa ng 14,666 mula Hulyo 2023 hanggang Hunyo 2024 bunga ng mga inisyatibo ng law enforcement.
Aniya, naitala ang significant decrease sa rape, carnapping, robbery kabilang ang 21.09% na pagbaba sa cybercrime incidents na nagpapakita na epektibo ang pinahusay pang kapasidad at pagsisikap ng kapulisan.
Maliban dito, ipinagmalaki din ni PGen. Marbil ang kabuuang P36.5 bilyong halaga ng mga ilegal na droga na nakumpiska mula Hulyo 1, 2022 hanggang Hulyo 31, 2024 kabilang ang pinakamalaking drug haul sa kasaysayan at pinakamataas na naitalang nasamsam na ilegal na droga sa Alitagtag, Batangas na P9.68 bilyong halaga ng shabu noong Abril 2024.
Dito, iginiit ng PNP chief na mananatili silang pursigido sa pagpreserba ng buhay ng tao sa ilalim ng “less-bloody” drug war ng Marcos administration.
Matatandaan na sa ilalim ng kasalukuyang administrasyon, ipinagpatuloy ang kampaniya kontra ilegal na droga subalit sa ibang approach na “less bloody” na sinimulan sa ilalim ng liderato noon ni dating PNP chief retired general Rodolfo Azurin Jr. na ipinagpatuloy ng kaniyang mga successor.