-- Advertisements --

Emosyonal ang pagbabalik ni Kris Aquino, mahigit isang buwan matapos ang naging pananahimik sa online world.

Sa kanyang bagong post ngayong araw mula noong June 28, itinaon nito ganap na alas-2:00 ng madaling araw ang pag-alala sa inang si dating Pangulong “Cory” Aquino na parehong oras daw noong pumanaw taong 2009.

Kasunod aniya ng ika-12 taong anibersaryo ng pagkamatay ng ina, ay ang ika-40 araw naman ng pagpanaw ng kanyang kuyang si Pangulong “Noynoy” Aquino bukas, August 2.

Ayon sa dating presidential sister, masakit pa rin ang tuluyang pagkawala ni P-Noy kaya hindi nito nagawang magsalita kung kamusta na ang kanilang pamilya kahit sa Instagram.

Gayunman, nagpapasalamat ang 50-year-old “Queen of All Media” para sa patuloy na pagbuhos ng pakikiramay sa kanilang apat na magkakapatid.

“Though still so painful, we know how blessed we were to have been born as the children of Ninoy and Cory, and the sisters of Noynoy Aquino,” wika ng bunso sa Aquino sisters.

Nitong June 24 nang sumakabilang-buhay ang pang-15 pangulo ng Pilipinas dahil sa renal disease secondary to diabetes sa edad na 61.