Ibinahagi ni Kris Aquino nitong Linggo, Marso 16, sa kaniyang social media ang ”masakit na katotohanan” tungkol sa kanilang hiwalayan ng karelasyong doctor.
Ayon sa queen of all media, nagdesisyon ang doctor na tapusin na ang kanilang relasyon dahil hindi na umano nito kayang alagaan si Kris at nais na raw din nitong lumaya sa kanya.
Sinabi rin ni Kris na ”He did not love me”.
‘Iniwan kita dahil mahirap kang mahalin, sobrang sikip ng paligid,’ pahayag umano ng doctor.
Sa kanya pang post, ibinahagi rin ni Kris na minura umano ng doctor ang kanyang mga matatalik na kaibigan at mga doctor na tumutulong sa kanyang kalusugan.
Maalalang ipinakilala ni Kris Aquino ang doctor bilang kanyang bagong kasintahan noong Hunyo 2024 sa isang panayam kay Ogie Diaz.
Bagamat hindi ibinunyag ang kanyang pangalan, sinabi ni Aquino na ang pagiging doctor ng kanyang karelasyon ay nakakatulong upang mas maunawaan ang kanyang kondisyon.
Sa ibang banda ibinahagi naman ng queen of all media ang update sa kaniyang kasalukuyang kalagayan. Batay sa dating aktres at host na bumagsak ng 36 kilo ang kaniyang timbang at hindi na siya makalakad dulot ng ng kaniyang mga sakit na lupus arthritis, polymyositis, at acute fibromyalgia.
Dagdag pa ni Kris, bagamat nakakaranas ng matinding hinagpis araw-araw ay nagpapasalamat parin aniya ito at umaasa sa ‘walang sawang pagmamahal na nakukuha mula sa kanyang anak na si Bimby.
‘Decided to post my current reality because I want to give HOPE. When you are unconditionally loved, when like me you are blessed with a son who will do all to lessen his mama’s physical & emotional suffering — HINDI KA SUSUKO. TINITIIS ko yung matinding sakit na parte na ng bawat araw ko dahil ang pagmamahal ng anak ay walang katumbas,’ wika ni Kris Aquino, kasabay ng mga larawang ibinahagi bitbit ng kanyang anak na si Bimby.
Samantala patuloy na nakikipaglaban sa iba’t-ibang autoimmune diseases ang dating aktres at host na si Kris mula pa noong 2018 kung kaya’t regular na nagbibigay ng update tungkol sa kanyang kalusugan.
Nabatid na una siyang na-diagnose ng chronic spontaneous urticaria, sumunod ang erosive gastritis at gastric ulcer noong Marso 2022.
Pumunta ito sa U.S. noong Hunyo 2022 para magpagamot at bumalik sa Pilipinas noong Setyembre 2024.