Inamin ni Kris Aquino na galit ang una niyang naging reaksyon noong makarating sa kanya ang isyung nabuntis daw ng panganay niyang anak ang girlfriend nito.
Pahayag ito ng 50-year-old former presidential sister kalakip ang larawan ng tsinelas na belated birthday gift sa kanya ni Josh, anak niya sa aktor at dating boyfriend na si Philip Salvador.
Ayon pa sa dating kinikilala bilang Queen of All Media, tanggap nito na malabong mangyari kay Josh na magka-pamilya pero ang mahalaga ay buhos pa rin ang pagmamahal sa kanya mula sa mga kaanak sa Tarlac.
Nagpasalamat naman ito sa kaibigang si Ogie Diaz na humimay sa naturang pekeng balita na malinaw na wala man lang daw pangalan ng babae na binanggit.
Idagdag pa rito na panay mga litrato nina Josh at yaya nitong si Bincai ang inilagay sa video.
Una rito, isang YouTube entertainment news channel ang naglabas sa video na nagsabing ikakasal na raw si Josh sa girlfriend matapos nabuntis at sagot pa ni Kris ang lahat ng gagastusin kabilang ang magiging tahanan.
Kamakailan lang nang inihayag ni Kris na sinuportahan nito ang pagkawili ni Josh na manirahan sa Tarlac, kung saan bibisitahin niya na lamang ito buwan-buwan kahit sa probinsya na rin pansamantalang titira kasama si Bimby hangga’t hindi pa natatapos ang coronavirus pandemic.