-- Advertisements --

Naging agaw-pansin ang unang beses na pagdalo ni Kris Aquino sa campaign rally ni Vice President (VP) “Leni” Robredo sa Capas, Tarlac, kagabi.

Ito’y matapos hindi napigilan ng dating presidential sister na magpasaring sa dating karelasyon na si Herbert Bautista.

Nabatid na hinatak ni Kris bilang surprise celebrity guest ang kaibigang aktres na si Angel Locsin na siyang bumati sa crowd, at inihalintulad niya ang solid supporters ni Robredo sa isang karelasyon na tunay na maaasahan.

“Kahit umuulan, uma-attend. Rain or shine, walang excuse, lumalabas. Kasi ‘yun naman gusto natin sa isang tao, di po ba? Kapag hahanap ka ng kaibigan, karelasyon, kailangan laging nandyan para sa iyo, hindi tuwing eleksyon lang,” wika ni Locsin.

Sumagot naman ang “Queen of All Media” na kung siya raw ba ang pinapatamaan ni Angel pagdating sa unreliable o hindi maaasahan na karelasyon?

“Nandito ba siya?” pagsakay ng misis ni Neil Arce.

“Yung isa nasa Uniteam, yung ex…” deretsahan namang sagot ni Aquino.

Wala mang tinukoy ang TV host/actress, hindi lingid sa kaalaman ng publiko na ang tanging ex niya na kabilang sa Uniteam ay si dating Quezon City Mayor Herbert Bautista.

Kabilang si Bistek sa senatorial slate ng Uniteam ng tambalang Ferdinand Marcos Jr. at Sara Duterte.

Hugot pa ni Kris, “O, ‘wag niyo iboto ‘yun, ha. Sayang ang boto dahil ‘di marunong tumupad sa mga pinangako. Deadma please.”

Kasunod nito ay tinawag na uli ni Kris si Angel para ipagpatuloy na ang mensahe nito sa audience.

Kung maaalala, mahigit dalawang buwan ang nakakaraan mula nang isapubliko ni Kris ang kanyang naranasang health scare.