-- Advertisements --

Nagdesisyon si Kris Aquino na ibalik na ang kanyang pagiging mabilis na pagdepensa sa kanyang sarili sa tuwing magsusulputan ang mga kritiko.

Ito’y base sa kanyang “tell all” video na tumagal ng 25 minutes na kinunan aniya nitong March 19, at isinapubliko sa pamamagitan ng Instagram nitong araw ng Linggo, March 21.

Ayon sa dating presidential sister, nasagad na ang kanyang pasensya kaya walang choice kundi bumalik sa iniwan na sana noon na “war mood” sa mga pumupuntirya sa kanyang personal na buhay.

Kabilang sa mga tinalakay nito sa isang video ay ang kanyang “nakaraan” kay Herbert Bautista, gayundin ang pag-alis ng kanilang longtime kasambahay na si Bincai Luntayao, at ang akusasyon sa dalawang anak kung saan nakabuntis daw si Josh habang bading naman si Bimby.

Hindi na rin aniya siya apektado sa mga taong nag-uungkat sa kanyang 2003 interview kung saan kanyang inamin sa publiko ang pagkakaroon ng sexually transmitted disease (STD) mula sa dating celebrity partner na si Joey Marquez.

Umabot din ang mga palaban na pahayag ng “Queen of All Media” sa usaping politika gaya sa mga pro-Duterte blogger, gayundin ang legacy ng kanyang inang si dating Pangulong Cory Aquino, at ang assassination sa kanyang ama na si Ninoy Aquino.

“Pero alam ko kung sino ang napatalsik at gustong gusto kaming gantihan dahil kulang para sa kanila na pinapatay na nila ang dad ko.. That is not President Duterte, because alam ko never ko siyang binanatan. So para po sa mga DDS, wala tayong reason na maging magkaaway,” bahagi ng kanyang video.

Nilinaw naman ng 50-year-old former TV host/actress na hindi siya galit sa ilang potential 2022 presidential candidates dahil hindi naman daw ang mga ito ang pumondo sa trolls at bloggers para atakihin siya at kanyang mga anak.

Ilan sa kanyang mga binanggit ay sina Vice President Leni Robredo; senators Bong Go, Grace Poe, Manny Pacquiao, at Ping Lacson; former Senator Antonio Trillanes IV; Manila Mayor Isko Moreno; at Davao City Mayor Sara Duterte.