Nilinaw ni Kris Aquino na alam niyang mahaba pa ang legal battle nila ng kanyang dating business manager na si Nicko Falcis.
Ito’y sa kabila ng pagkakabasura ng Quezon City Prosecutor’s Office sa kasong grave threats na inihain laban sa kanya ni Nicko Falcis at kapatid na si Atty. Jesus Falcis.
Ayon sa 48-year-old TV host/actress, hindi siya nagdiriwang sa pagkapanalo ng kanilang kampo pero nagpapasalamat sa justice system ng bansa.
“Mahaba pa ang LABAN. i am not prematurely celebrating, naipanalo namin yung kaso nila laban sa kin, alam kong mas titindi ang kanilang misyon na siraan at sirain ako at saktan ang mga mahal ko sa buhay,” bahagi ng caption nito sa maiksing video ngayong araw ng kopya nito sa resolusyon ng kaso.
Base sa resolusyon, walang probable cause dahil bigo ang Falcis brothers na makapagprisinta ng ebidensya para sana masuportahan ang kanilang akusasyon laban sa dating presidential sister.
Ugat ng kasong grave threat laban kay Kris ay ‘yaong death threat daw nito sa magkapatid na Falcis sa pamamagitan ng telepono.
Nabatid na naglabas na ang Taguig courts ng dalawang warrants of arrest laban kay Falcis kaugnay naman ng mga kasong estafa at credit card fraud na isinampa ng “Queen of All Media.”
Oktubre 2018 nang pinaratangan ni Aquino si Falcis ng pag-charge ng halos P1 milyon mula sa isang BDO corporate card sa ilalim ng Kris Cojuangco Aquino Productions para sa pansariling gastos nang walang pahintulot.
Dahil dito, naghain siya ng reklamong theft laban sa kanya sa pitong lungsod na kinabibilangan ng Quezon City, Mandaluyong, Pasig, San Juan, Taguig, Makati at Maynila.
Kung maaalala, dinismis ang kasong qualified-theft laban kay Falcis ng Makati at Pasig City Prosecutor’s Office.
Pero huwag aniya munang umastang panalo si Falcis dahil mayroon pang mga kaso sa iba pang city prosecutor’s office at hindi makakaapekto rito ang pagkakabasura sa ilan.