Umaasa si Senador Sherwin Gatchalian na tatalakayin ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. sa kanyang State of the Nation Address (SONA) and pangangailangan sa reporma sa sistema ng edukasyon sa bansa upang matugunan ang krisis na bumabalot sa sektor.
Nataon na bago na ang kalihim ng Department of Education (DepEd) sa SONA ng Pangulo sa Lunes.
Ayon kay Gatchalian, magandang pagkakataon ang SONA upang ideklara ng Pangulo sa publiko ang kanyang marching orders para sa sektor ng edukasyon, kabilang na ang mga malilinaw na target na dapat maipatupad ng administrasyon hanggang 2028.
Magugunitang sinabi ng Pangulo kay DepEd Secretary Sonny Angara na dapat ihanda sa labor market o trabaho ang mga senior high school graduates.
Upang makamit ang layuning ito, isinusulong ni Gatchalian ang pagsasabatas ng kanyang panukalang ‘Batang Magaling Act’ (Senate Bill No. 2367) na layong iugnay ang senior high school programs sa mga pangangailangang tukoy ng pribadong sektor at ng pamahalaan.
Layon din ng naturang panukala na gawing institutionalized ang libreng national competency assessments upang mabigyan ng libreng national certification ang mga senior high school graduates.
Ang ARAL Program Act o Senate Bill No. 1604, na iniakda ni Gatchalian, ay bahagi ng mga priority measures ng Legislative-Executive Development Advisory Council (LEDAC).
Layon naman ng naturang panukala ang pagkakaroon ng national learning intervention program, kabilang dito ang tutorial sessions at well-designed na intervention plans.
Dagdag pa ni Gatchalian, patuloy na makikipagtulungan ang Second Congressional Commission (EDCOM) sa administrasyon upang magsulong ng mga kinakailangang reporma.