Inamin ni Administrator Nathaniel Servando ng Pagasa na posibleng ang mga pag-ulang nagdulot ng mga pagbaha sa Bicol region at iba pang bahagi ng ating bansa dahil sa bagyong Kristine ay maging hudyat ng madalas at malawakan pang pag-ulan.
Ayon kay Servando sa panayam ng Bombo Radyo, maaaring mag-trigger ito para sa unti-unting paglakas pa ng La Niña.”
Ang La Niña phenomenon kasi ay ang kabaliktaran ng El Niño na nagdulot naman sa atin ng kakapusan ng tubig noong dry season.
Kaya sa simpleng pag-unawa ay baha talaga ang ihahatid ng kasalukuyang weather phenomenon.
Samantala, agad namang nilinaw ng Pagasa head ang naglabasang impormasyon na pang-tatlong buwang ulan ang inihatid ng bagyong Kristine sa Bicol.
Paliwanag nito, bagama’t malaking volume ng ulan ang ibinagsak, hindi naman accurate na sabihing pang-tatlong buwan ang sukat ng mga pag-ulan para sa loob ng isang araw.
Sa pagsukat umano nila ay halos dalawang buwang antas ng tubig ang naranasan para sa loob lamang ng maikling panahon.
Gayunman, hindi aniya kailangang malihis sa tunay na data para lamang isalarawan ang lawak ng pinsala ng matinding mga pag-ulan.