Nagpasaklolo sa Kamara si Krizle Mago ang opisyal ng Pharmally Pharmaceuticals Corp. na nagsabing pineke nila ang expiration dates ng mga face shields na binili ng gobyerno.
Humingi si Mago ng protective custody mula sa Kamara base sa liham nito sa liderato ng mababang kapulungan na may petsang Setyembre 30 na ibinahagi sa media ni House Committee on Good Government and Public Accountability chairman at Rep. Michael Aglipay.
Sinabi ni Mago na hindi siya makakapagsalita ng malaya hinggil sa umano’y overpriced na medical equipments na binili ng pamahalaan dahil sa pagbabanta sa kanya bunsod ng “undue influence and pressure” mula sa iba’t ibang panig.
“I feel that my life and liberty is in grave danger because of my coming out and my desire to speak the truth,” ani Mago.
Kasama na rito ang napabalitang paghahanap sa kanyang kinaroroonan ng mga pulis at kawani ng National Bureau of Investigation na para umano siyang isang kriminal.
Pumalag din ito sa pagkuha raw ng mga otoridad ng larawan sa bahay ng kanyang mga lolo at lola sa probinsya na walang pahintulot mula sa kanila.
“The protective custody that I am requesting from the HOR would help me speak freely without unnecessary compulsion from anyone,” ani Mago sa kanyang sulat.
Sa ngayon, nasa kustodiya na ng House Sergeant at Arms si Mago, at siya ay binibigyan ng 24/7 security.
Mananatili siya sa pangangalaga ng Kamara sa loob ng dalawang buwan o hanggang sa mapagtibay na ang committee report sa motu propio investigation ng komite ni Aglipay.
Magugunita na naglabas pa ng subpoena ang Kamara noong nakaraang linggo laban kay Mago nang mapaulat na hindi na raw ito ma-contact kasunod ng mga rebelasyon na binitawan nito sa imbestigasyon naman ng Senate Blue Ribbon Committee.
Ayon kay Mago, inutusan siya na kanilang treasurer sa Pharmally na baguhin ang expiration date ng mga face shield na ibinenta sa pamahalaan, bagay na itinanggi ng kompanya.
Sa Lunes, nakatakdang magpatuloy ang imbestigasyon ng Kamara sa naturang issue.
Imbitado rito si Mago pati na rin si Pharmally Pharmaceutical Corp. director Linconn Ong, na pina-contempt ng Senado.
Si Rep. Aglipay ay sumulat na rin kay Sen. Richard Gordon upang ipabatid ang pagkustudiya nila kay Mago.