-- Advertisements --

DAGUPAN CITY – Nasa anim na kababaihan ang na-rescue habang tatlo ang arestado sa entrapment operation ng mga otoridad sa San Carlos, Pangasinan.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Mark Caseres, tagapagsalita ng National Bureau of Investigation o NBI-Dagupan , sinabi nito na sinalakay ng kanilang mga operatiba ang KTV Bar sa nabanggit na siyudad matapos makatanggap ng impormasyon na ito’y nag-aalok ng mga malalaswang aktibidad sa kanilang mga kustomer.

Sa halaga aniyang P3,500, inaalok umano ang mga kustomers ng sexual services.

Ayon pa sa opisyal, ilang linggo rin nilang minamanmanan ang mga may-ari ng bar pati na ang iligal na operasyon na nagaganap sa loob nito.

Nang makumpirma, agad silang nagkasa ng entrapment operation na naging daan para madakip ang tatlong indibidwal.

Ang mga nailigtas namang babae ay nasa 18-anyos ang pinakabata na pawang mga taga-Mindanao.

Samantala, nasampahan na ng kasong human trafficking ang mga nahuling suspek.