-- Advertisements --

VIGAN CITY – Nagpahayag ng pangamba ang isang sports official dahil sa kulang pa ang mga kagamitan para sa 30th Southeast Asian (SEA) Games na isasagawa sa katapusan ng buwan hanggang sa December 11.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Vigan, sinabi ni Samahang Weightlifting ng Pilipinas (SWP) President Monico Puentevella na bukod sa mga kulang na kagamitan, marami pang mga sporting venues ang kasalukuyang inaayos gayong ilang linggo na lamang ang natitira bago ang SEA Games hosting ng bansa.

Ayon kay Puentevella, kung kompleto sana sa kagamitan ang bansa ay hindi na kailangan pa ng mga atleta, lalo na ang mga kasapi ng SWP, na magsanay sa ibang bansa.

Sa kabila nito, inaasahan pa rin ng SWP president na magagawan ng paraan ng pamahalaan ang mga kulang na kagamitan at maihabol ang pagsasaayos ng mga sporting venues na gagamitin sa biennial meet.