Naniniwala ang Department of Interior and Local Government (DILG) na ang mababang performance ng bansa sa contact tracing ang dahilan kaya tumaas ang bilang ng mga kaso ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa bansa.
Sa isang press briefing, inilahad ni DILG Undersecretary and spokesperson Jonathan Malaya na ang kasalukuyang contact tracing ratio na 1:7 ay malayo sa ideal na 1:30 ratio sa ilalim ng formula na ipinatupad ni Baguio City mayor and contact tracing czar Benjamin Magalong.
Aminado si Malaya na nakababahala ang naturang datos at hinimok din nito ang mga local government units na paghusayin pa ang kanilang mga contact-tracing efforts.
Ayon sa opisyal, patuloy ang pag-iikot-ikot ng DILG sa mga LGUs lalo na sa mga lugar na may mataas na kaso ng COVID-19 upang makipag-coordinate sa mga opisyal ng naturang mga lokalidad.
Sa pakikipag-ugnayan sa mga LGUs, inihayag ni Malaya na nagbabala ang DILG sa mga ito na hindi lamang dapat sila magpokus sa first level close contacts ng mga pasyenteng COVID-19 positive, kundi pati na rin sa second ar third generation ng mga nakasalamuha ng coronavirus patients.
Binigyang-diin din ng opisyal na sa ngayon, na-trace na ang transmission o hawaan ng virus sa mga magkakamag-anak na nasa iisang bahay, na kabaligtaran ng sitwasyon noong una kung saan sa mga workplace lang nade-detect ang COVID-19.
Dahil dito, umapela si Malata sa publiko na agad magpalit ng damit pagkauwi sa bahay, maligo, at siguruhing wala silang anumang sintomas ng COVID-19 bago makihalubiho sa iba pa nilang mga kasama sa bahay.