Magkasanib-puwersang iimbestigahan ngayon ng Philippine National Police at National Bureau of Investigation ang mga alegasyon ng umano’y pang-aabuso sa mga menor de edad ng isang “kulto” sa bayan ng Socorro, Surigao del Norte.
Ito ay kasunod ng expose ni Senator Risa Hontiveros hinggil sa dinanas ng ilang mga inabuso ng organisasyong Socorro Bayanihan Services sa nasabing lugar.
Ayon kay PNP chief PGen. Benjamin Acorda Jr., bagama’t hawak ngayon ng National Bureau of Investigation ang naturang kaso ay katuwang naman aniya nito ang local police sa lugar sa pagkalap ng mga ebidensya.
Aniya, ang pagsisiwalat na ito ni Sen. Hontiveros ay isang development para sa Pambansang Pulisya at kanila aniyang iimbestigahan ang mga impormasyong inihalahad nito sa Senado.
Kung maaalala, una nang ibinunyag ng Senadora na mayroong aisang libong mga menor de edad ang biktima ng rape, sexual violence, child abuse at forced marriage sa kamay ng nasabing “kulto” na pinatatakbo ng mga armado at makapangyarihang personalidad sa lugar na umano’y sangkot din sa operasyon ng ilegal na droga.