-- Advertisements --

Nanawagan si Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle na sana ‘wag hayaang maging ordinaryo na lamang na tanawin sa bansa ang kultura ng pagpatay.

Ginawa ng kanyang kabunyian ang panawagan sa mga taong sumama sa Penitential Walk for Life kasabay ng Biyernes Santo.

Nagbabala si Tagle na kung maging natural na lamang ang patayan ay baka kumalat ito at masanay na ang tao.

Kung mangyayari aniya ito, hindi na mamamalayan ng lahat at baka magkaroon ng mentalidad na natural na lamang ang pangyayaring ito.

Kasabay nito, nagpaalala rin naman ang kardinal sa mga Katoliko na magkaroon ng repleksiyon sa mga pinagdaanan na hirap ni Hesukristo.

Aniya, kung tutuusin ang mga pagpatay na naranasan ni Hesus noon ay patuloy pa rin hanggang ngayon.

Pero ang mabuting balita umano ay may katarungan ang Diyos.

“Bubuhayin ng Diyos ang pinatay ng kasalanan at ng mundo,” ani Cardinal Tagle.

Hinimok din naman ni Tagle ang lahat na ipalaganap ang kultura ng pagmamahal.

Kasama nito ang pagmamalasakit, pagdadamayan at paggalang sa buhay.

Hindi umano puwede na tayo ay nagmamasid na lamang at walang reklamo.

Dapat umanong kumilos ang bawat isa sa kanyang maliit na pamamaraan.

Samantala, ipinaalala rin naman ni Cardinal Tagle ang isa sa “Seven last word” ni Kristo na “Ako’y nauuhaw.”

Inihalintulad niya ito na ang mananampalataya ay dapat maging uhaw sa misyon ng Panginoong Hesus at hindi maging uhaw sa dugo at paghihiganti.

“Saan tayo nauuhaw? Uhaw na uhaw gumanti. Hindi makapaghintay. “Hahanap ako ng pagkakataon. Makakaganti rin ako.”  Uhaw na uhaw sa dugo ng kapwa. Diyan ba tayo nauuhaw?”