Inihahanda na ng international music icon na si Apl.de.ap ang kaniyang special stage production para sa gaganapin na 30th Southeast Asian (SEA) Games ngayong taon.
Pagbabahagi ng Filipino pride sa Bombo Radyo, balak niyang haluan ng Filipino culture ang kanilang performance kaya magiging kaabang-abang ang pagsusuot ng Black Eyed Peas ng Barong Tagalog at paggamit ng instrumentong Pilipino.
Mismong ang 44-year-old Fil-Am singer na tubong Angeles City, Pampanga, ang humiling na maging pangunahing magpapasaya sa tinatayang 11,000 athletes, coaches at officials, mula sa 11 bansa sa pagbubukas ng 12-day multi-sport meet sa Philippine Arena sa Bulacan sa November 30.
Nitong nakalipas na April 2019 nang mag-concert sa bansa si Apl.de.ap o Allan Pineda sa tunay na buhay kung saan nasangkot ito sa minor incident matapos nawalan ito ng balanse habang nakatayo sa steel barricades.
Kabilang sa hit songs ni Apl.de.ap bilang miyembro ng Black Eyed Peas ay ang “Hey Mama,” “Bebot,” “Don’t Lie,” “Let’s Get It Started,” “Boom Boom Pow,” “My Humps,” “I Gotta Feeling,” “Where Is The Love?” at iba pa.