-- Advertisements --

LAOAG CITY – Naging emosyonal ang isang magsasaka na si Mr. Alex Edra, residente ng Barangay 23 sa bayan ng Sarrat dito sa lalawigan ng Ilocos Norte matapos sunugin ng kanyang kakilala ang kulung-kulong at motorsiklo nito.

Mismong ang pamangkin ni Edra ang nakakita sa hindi pa pinangalangang suspek na hinihila nito ang kanyang mga sasakyan at inilagay sa sakahan kung saan dito niya sinunog.

Iginiit ni Edra na personal niyang kakilala ang suspek dahil naging kapitbahay nila ang pamilya nito noon pero lumipat na sila ng tinitirhan.

Aniya, wala siyang alam na kasalanan sa suspek para sunugin ang kanyang mga sasakyan na pinaghirapan niyang ipinundar.

Dagdag ni Edra na pinag-ipunan niya ng matagal bago nabili ang kanyang mga sasakyan kaya masakit sa loob nito ang nangyari.

Sa ngayon ay blangko pa rin ang mga otoridad kung ano ang motibo ng suspek na hanggang sa ngayon ay tinutugis pa rin nila.