Tiniyak ng pamunuan ng National Capital Region Police Office (NCRPO) na walang dapat ipag-alala ang publiko kaugnay sa mga kumakalat na bomb threat lalo na sa mga malls kung saan buhos ang mga tao.
Ayon kay NCRPO chief Police Director Oscar Albayalde na walang ebidensiya o impormasyon silang nakukuha kaugnay sa nilalaman ng isang dokumento na kumakalat ngayon sa social networking sites.
Umapela ang PNP sa mga netizens na tigilan na ang pagpapakalat ng nasabing dokumento.
Sinabi ni Albayalde, bagamat wala pang kumpirmasyon kung totoo ang kumakalat na bomb threat, pagtiyak nito na hindi nila binabalewala ang mga ganuong report.
Aniya, lalo pang pinalakas ng NCRPO ang kanilang target hardening measures hanggang sa mga presinto ng pulisya.
Sa ngayon nananatili pa rin sa full alert status ang NCRPO, ito ay para masiguro na sapat ang tauhan ng PNP na nasa kalye lalo na sa mga lugar na tinaguriang places of convergence partikular sa mga malls.
Pagbibigay-diin ni Albayalde na walang dapat ikatakot ang publiko dahil kontrolado pa rin ng PNP ang sitwasyon.
Hiling ng PNP sa publiko na maging mahinahon at kalmado at kaagad ipagbigay alam sa mga otoridad kapag may napapansin silang kahina-hinalaang mga bagay.
“Please report anything if they notice unusual to the nearest policeman on sight so that we can act immediately and appropriately,” pahayag ni Albayalde.