Walang katotohanan ang kumakalat na online post na mayroon umanong ipinamamahaging educational assistance para sa lahat ng estudyante ang Department of Social Welfare and Development.
Sa naturang post ng page na “Filipino Gazette,” nakapaloob dito na may cash assistance na matatanggap ang mga estudyante mula P1-K hanggang P4-K depende sa grade o year level ng estudyante.
Nakalakip din dito ang logo ng DSWD at kailangang sagutan ang online application form hanggang May 28, 2024.
Noong nakaraang buwan ay may kumalat na rin na fake news patungkol sa educational assistance umano ng DSWD ngunit pinasinungalingan na ito ng ahensiya.
Nilinaw nito na ang educational assistance lamang nila ay ang AICS program o Assistance to Individuals in Crisis Situation at hindi pa tiyak kung kailan ito magsisimula ngayong taon.