Pina-imbestigahan na ni PNP chief Gen. Debold Sinas ang umano’y kumakalat na pekeng 7Point Agenda sa social media na nagdulot ng kalituhan sa mga PNP personnel.
Ayon kay PNP spokesperson Col. Ysmael Yu, itinanggi ng Chief of Directorial Staff na mayroong ganong guidance si Sinas, at walang ibinigay na guidance ang bagong PNP chief hinggil sa 7Point Agenda.
“The PNP Anti-Cybercrime Group has been directed to conduct an investigation to identify the source and authors of this disinformation and render report immediately,” pahayag pa ni Yu.
Una ng sinabi ni Sinas sa kaniyang assumption speech na wala siyang ilalatag na mga agenda dahil susundin lamang niya ang mga iniwan na programa ng kaniyang mga naging predecessors.
Iniimbestigahan na ngayon ng PNP Anti-Cybercrime Group ang insidente para mabatid kung sino ang nagpapakalat ng pekeng 7Point Agenda ni Sinas.
Siniguro ni Sinas na kung anuman ang mga ipinatupad na best practices sa PNP ay kaniya itong ipagpapatuloy.
Nilinaw din ni Sinas na hindi siya magpapatupad ng pagbabago sa kaniyang pag-upo dahil hindi niya ugali na baguhin ang isang direktiba.
“Hindi ako mahilig ng 9 point agenda, 6 point agenda, 3 point agenda. Ako po ipagpatuloy na po natin kung ano po ang mga policy natin kasi kapag gawa-gawa tayo ng kung anong mga agenda lahat po yan ay nakover. Ang kailangan natin ay iimplement, pagpapatupad at ipagpatuloy yung mga existing policies,” pahayag ni Sinas.