CEBU CITY – Iginiit ng alkalde ng Lapu-Lapu City na isang “fake news” ang kumalat na text message sa social media kung saan nagpositibo umano sa novel coronavirus (nCoV) ang isang bata.
Makikita sa text message na natatakot ang nagpadala nito patungkol sa 3-year old na bata mula sa Guangzhou, China bilang suspected case ng nasabing virus mula sa Wuhan City.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Mayor Junard “Ahong” Chan, sinabi nito na ginagawa nila ang inihandang hakbang ng city government upang maiwasan ang pagkalat ng naturang sakit.
Ayon sa alkalde na may ginawa na silang hotline number kung saan tatawag ang mga hotel staff sa kanila kung may sintomas ng coronavirus ang kanilang customer.
Nilinaw naman ni Chan na isinugod agad sa pagamutan ang batang mula sa China at na-isolate naman ito.
Napag-alamang negatibo ang Chinese boy sa nCoV batay sa isinagawang laboratory tests.
Alinsunod sa mahigpit nilang pagbabantay laban sa sakit, nagpaalala naman ang alkalde sa kanyang mga kababayan na iwasan ang pagkalat ng mga pekeng balita patungkol sa nCoV.