-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO – Limang mga myembro ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) ang nagbalik loob sa gobyerno sa lalawigan ng Maguindanao.

Ang mga rebelde ay pinangunahan ni Kumander Bayawak ng BIFF Bungos faction.

Sumuko ang anim na BIFF sa pagtutulungan ng LGU Datu Piang Maguindanao, 6th Infantry (Redskin) Battalion, CIDG-Maguindanao-BARMM at 12th Intelligence Service Unit ng Philippine Army.

Ang mga rebelde ay pormal na tinanggap ni Ist Mechanized Brigade commander Colonel Pedro Balisi Jr sa kanilang kampo sa Barangay Kamasi, Ampatuan, Maguindanao.

Kasamang isinuko ng mga rebelde ang kanilang anim na mga armas na kinabibilangan ng dalawang M16A1 rifles, isang 7.62 M14 rifle, isang M653 5.56 rifle, isang caliber .30 garand rifle at isang locally made .50 caliber barrett.

Nagpasalamat naman si 6th IB Commander Lieutenant Colonel Charlie Banaag at Datu Piang Mayor Victor Samama sa tiwala ng anim na BIFF sa pamahalaan para itoy sumuko.

Nangako si Mayor Samama na magbibigay ng tulong sa mga sumuko para sa kanilang pagbabagong buhay at maging katuwang na niya ang mga ito sa pagpapanatili ng katahimikan at kaunlaran sa bayan ng Datu Piang.

Umaasa si Col. Balisi na maraming mga rebelde pa ang sumuko sa lalawigan ng Maguindanao dahil malaking tulong ito sa sinusulong na kapayapaan sa Bangsamoro Region.