KORONADAL CITY – Nasa kustodiya na ngayon ng mga otoridad ang isa sa umano’y mastermind sa pananambang kay Lanao del Sur Governor Mamintal Adiong Jr at pumatay sa apat na police escorts at driver nito.
Kinilala ni Police Col. Cydric Earl Tamayo, provincial director ng South Cotabato ang naaresto na si Lomala Baratumo alyas Kumander Lomala, 42 anyos na residente ng Purok Bato-bato, Maguing, Lanao del Sur.
Ayon kay Col Tamayo, naaresto ng pinagsanib na pwersa ng pulisya sa South Cotabato, Police Regional Office 12, Bangsamoro Autonomus Region kasama ang Special Action Forces o SAF maging ang militar sa isinagawang checkpoint operation sa Sitio Morales, Barangay Centrala, Surallah, South Cotabato alas-3:30 kahapon ng hapon.
Inihain sa suspek ang warrant of arrest sa kasong murder na inisyu ng korte mula sa lungsod ng Marawi.
Si Kumander Lomala ay sangkot sa ibat-ibang illegal na aktibidad gaya ng gun running, pagtutulak ng illegal na droga at pagpatay.
Siya ay kasapi umano ng grupo na nagsagawa ng pananambang kay Governor Adiong dahil sa pakikialam ng opisyal sa gawain ng mga ito.
Inamin naman ng suspek ang pagkakasangkot sa pananambang sa opisyal ng Lanao del Sur.
Matatandaan na noong nakaraang Mayo 5,2023 ay napatay ng pulisya ang kasama ni Lomala na si Oscar Tacmar Capal Gandawali, leader ng Gandawali Private Armed Group sa isang operasyon matapos umanong manlaban.
Sa ngayon, nasa kustodiya na ng South Cotabato Police Provincial Office ang suspek na itinuturing high profile at nakatakdang i-turn-over sa kapulisan sa Lanao del Sur upang harapin nito ang kanyang patong-patong na kaso.
Maaalang noong February 17, 2023 ay tinambangan ang convoy ni Governor Adiong sa Maguing kung saan tatlong police escorts at isang driver nito ang namatay.