Aantayin muna ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang magiging desisyon ng korte kung saan pinal na ikukulong ang Abu Sayyaf group (ASG) leader na si Abduljihad “Idang” Susukan.
Sa ngayon ay pansamantala munang ikukulong sa PNP Custodial Center ang high profile inmate matapos na dumating kaninang madaling araw sa PNP headquarters mula sa Davao City.
Una rito, doon sa Clark airport lumapag ang eroplanong naghatid kay Susukan at nag-convoy na patungo ng Quezon City.
Napansin naman ang sangkaterbang security escorts ang naghatid kay Kumander Susukan, kasama ang elite PNP members na SWAT team at Explosive Ordnance Disposal o K9 vehicle.
Naniniwala naman si Armed Forces of the Philippines spokesperson M/Gen. Edgard Arevalo na ang pagkakaaresto kay Susukan ay maituturing na malaking dagok sa local terrorist group.
Samantala, ang dati namang PNP chief na si Senator Ping Lacson ay nababahala sa umugong na balita na baka mabigyan ng amnestiya si Susukan.
Sinasabing ilang opisyal sa militar din ang nangangamba na baka mauwi sa amnestiya ang kaso ni Susukan lalo na at sumuko ito kay MNLF founding chairman Nur Misauri sa Davao City nitong nakalipas na mga araw.
Ayon kay Lacson, sana hindi paghaluin ang isyu sa politika at terorismo dahil lahat dito ay “talo” kung sakali.