-- Advertisements --

Target ngayon ng Sinulog Foundation, Inc. na magkaroon ng kabuuang 35 contingents ang lalahok sa Sinulog grand parade sa Enero 19 sa susunod na taon.

Inaasahan pa itong magtatampok ng pinakamalaking bilang ng mga out-of-town contingent mula sa buong bansa na may mga kalahok mula sa Luzon, Visayas, at Mindanao.

Sa kasalukuyan na datos, ay umabot na sa 12 out-of-town contingent ang kumpirmadong lalahok sa Sinulog festival sa darating na Enero.

Bukod dito, mayroon ding 14 na contingents mula sa Cebu City ang lalahok habang hindi pa dito kasali ang mga contingents mula sa Probinsya ng Cebu.

Inihayag ni SFI Executive Director Jojo Labella na inaasahang mas kapana-panabik ang Sinulog sa susunod na taon dahil sa dami ng lalahok.

Napag-alaman pa na may mga nag-eensayo ngunit hindi pa nagpahayag ng kanilang intensyon na lumahok.

Sisimulan naman ang pagpaparehistro ngayong Disyembre 1, para sa mga lalahok sa Sinulog 2025 mula sa dancing contingents, puppeteers, floats at higantes.

Samantala, nauna nang iginiit ni City Mayor Raymond Alvin Garcia na ibabalik na sa nakagawiang venue na Cebu City Sports Center ang pagdaraos sa Sinulog sa susunod na taon at hindi na umano ito magbabago.