-- Advertisements --

Inihayag ni House Speaker Martin Romualdez na ang kumpiyansang ibinigay ng Asian Development Bank sa paglago ng ekonomiya ng Pilipinas ay patunay umano na tama ang tinatahak na landas ng bansa upang maabot ang middle-income status sa 2025.

Reaksiyon ito ni Romualdez matapos ilabas ng ADB ang July update nito kung saan ang gross domestic product (GDP) ay inaasahang lalago ng 6.0 porsyento ngayong taon, ang pinakamataas sa pangunahing bansa sa Southeast Asian.

Para sa 2024, nakikita ng ADB na lalago ang ekonomiya ng bansa ng 6.2 porsyento.

Ngayong taon, inaasahan ng ADB na lalago ang ekonomiya ng Indonesia ng 4.8 porsyento, Malaysia ng 4.7 porsyento, Singapore ng 1.5 porsyento, Thailand ng 3.5 porsyento, at Vietnam ng 5.8 porsyento.

“This steadfast pace of recovery from the effects of the COVID-19 crisis across the region is a clear indicator that the administration of President Ferdinand R. Marcos, Jr. has charted the right course and we are steadily sailing towards a brighter future for all Filipinos,” pahayag ni Speaker Romualdez.

Sinabi ni Speaker Romualdez ang projection ng ADB ay pasok sa 6.0 hanggang 7.0 porsyentong range na itinakda ng mga economic manager ng bansa ngayong taon at sa 6.5 hanggang 8.0 porsyento mula 2024 hanggang 2028.

Hindi rin umano ito nalalayo sa economic growth forecast ng International Monetary Fund (IMF) na 6 porsyento.

Ang pag-angat ng ekonomiya ay iniugnay din ni Speaker Romualdez sa panawagan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na magkaisa para sa pag-angat ng ekonomiya.

Ayon kay Speaker Romualdez nananatili ang pagnanais ng Kamara na gumawa ng mga batas upang mag-enganyo ang mga negosyante na mamuhunan sa bansa, magtuloy-tuloy ang usad ng ekonomiya, at mapakinabangan ng lahat ng bahagi ng lipunan ang pag-unlad na ito.

Sinabi ng house leader na sisiguuhin din ng Kamara na mayroong sapat na pondo ang mga programa upang maiwasan ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin, maipatayo ang mga kinakailangang imprastraktura, matiyak ang sapat na suplay ng enerhiya, mapadali ang pagnenegosyo sa bansa, mapaganda ang pagbibigay ng serbisyong medikal, at makalikha ng mapapasukang trabaho.

“Let us redouble our efforts to build back better and to create a brighter future for every Filipino. Together, we can overcome challenges, seize opportunities, and emerge even stronger from the ravages of the pandemic,” dagdag pa ni Speaker Romualdez.