-- Advertisements --

Malaking tagumpay para sa men’s team ng Pilipinas ang makapasok sa semifinals round ng Southeast Asian (SEA) Games volleyball tournament.

Noong 1991 pa kasi nang huling makapasok sa semis ang men’s team kung saan nasungkit nila ang bronze medal.

Kagabi, nilampaso ng koponan ang Vietnam sa pamumuno ng top scorer na si Bryan Bagunas.

Set 1 pa lang sunod-sunod na ang pakawala ng puntos ng 22-year old Batangas native, na import player din sa hiwalay na liga sa Japan.

Resulta: 22 excellent points mula sa pinagsamang spike, service ace at block.

Hindi naman nagpahuli ang former 5-time University Athletic Association of the Philippines most valuable player na si Marck Espejo sa kanyang solid 13 points.

Pati na ang 19-year old setter na si Joshua Retamar na humataw sa block.  Hindi halatang unang sabak pa lang niya sa SEA Games.

“Marunong siyang tumanggap. Lahat ng sinasabi ng coaches. Kahit paminsan-minsan nakikita naming nafu-frustrate siya pag sinasabihan siya ng coaches ng mga dapat niyiang gawin. Tapos ang maganda sa kanya, lumalapit siya sa mga kuya nya. Nagtatanong siya kung ano yung dapat niyang gawin, kung anong mga pagkukulang niya,” ani team captain Johnvic de Guzman.

“Kasama ko na siya nung nag-champion kami sa ASEAN University Games (at) talagang doon nakita ko yung attitude na palaban,” ani Bagunas.

Nagtapos ang laban sa straight sets: 25-20, 25-21, 25-12 panalo ang Pilipinas.

Masaya si head coach Dante Alinsunurin sa resulta ng laban, na aminadong hindi inasahan ang malinis na panalo kontra Vietnam.

“Andito na kami, pagbubutihan namin sa practice, sa pag-scout sa kanila kung ano ba talagang dapat gawin, anong pagkukulang namin. Yung adjustment namin, sana pagdating namin ng semifinals makuha namin,” ani Alinsunurin.

Sa nakaraang SEA Games sa Malaysia, hindi nanalo ng kahit isang set ang Pilipinas sa Vietnam na naguwi noon ng bronze medal.

Sa Biyernes, balik PhilSports Arena ang koponan para harapin ang reigning silver medalist na Team Indonesia