Hindi pa maikokonsiderang invasion ang umiigting na kumpulan ng mga barko ng China sa may Ayungin shoal ayon sa Western Command (Wescom).
Inihayag ni Wescom spokesperson Commander Ariel Coloma na bagamat nakumpirma sa isinagawang aerial patrols nitong linggo sa ayungin shoal ang patuloy na swarming tactics ng mga barko ng China sa lugar kung saan isinadsad ang BRP Sierra Madre, premature pa aniya para tawagin itong all-out invasion.
Aniya, base sa kanilang nakikita sa ground ay pareho lamang sa dating mga taktika na pagkukumpulan ng mga barko ng China.
Ginawa ng opisyal ang pahayag bilang tugon sa inilabas na artikulo na isinulat ng maritime security expert at dating US defense official na si Ray Powell na tinawag ang umiigting na presensiya ng China sa pinagtatalunang karagatan na invasion bilang paglalarawan sa presenisya ng 11 chinese vessels na nasa loob ng ayungin noong Disyembre 11 habang maraming mga barko pa ng china ang nakapalibot sa labas ng Ayungin.
Hinimok naman ng WesCom official si Powell na ipaliwanag ang kaniyang naging basehan sa paggamit ng terminong invasion sa kaniyang artikulo na inilathala sa isang website dahil nagbunsod ito sa marami na paniwalaang tumitindi pa lalo ang tensiyon sa West PH Sea.
Samantala, nitong Biyernes, sinabi ni Commander Coloma na naobserbahan ng aerial reconnaisance team ng WesCom ang 10 chinese vessel sa bisinidad ng Ayungin shoal kabilang ang China Coast Guard at Chinese maritime militia vessels na nakaposisyon sa loob at labas ng Ayungin.
Bilang tugon, nagdeploy ang WesCom ng mga tropa nito mula sa BRP Sierra Madre lulan ng rubber boats para mahadlangan ang Chinese vessels sa loob ng Ayungin shoal.
Nakatakdang ding magsumite ng report ang Wescom ng kanilang findings sa isinagawang aerial patrols at ang higher headquarters ang magpapasya kung nararapat na magsasagawa ng mas mahigpit na tugon ang Armed Forces of the PH.