Ipinaliwanag ng Philippine Coast Guard ang namataang kumpulan ng mga Chinese militia at fishing vessels sa Pag-asa island sa West Philippine Sea.
Sa isang pulong balitaan ngayong Sabado, sinabi ni PCG spokesperson Commodore Jay Tarriela na ang malaking bilang ng mga barko ng China na naka-angkla sa isla ay bunsod ng masamang lagay ng panahon.
Sa kabila nito, sinabi ng PCG official na nananatili pa ring concern ang pananatili ng presensiya ng nasabing mga barko ng China sa loob ng ating territorial waters.
Kaugnay nito, sinabi ni Comm. Tarriela na sa parte ng PCG at suporta ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ay kanilang china-challenge ang naturang Chinese maritime militia vessels sa tuwing pumapasok ang mga ito sa territorial sea ng Pag-asa island at ipinapaalam sa mga Chinese na ito ay parte ng teritoryo ng Pilipinas at wala silang hurisdiksiyon sa naturang mga katubigan at dapat nilang respetuhin ang ating soberaniya.
Ginawa ng PCG official ang pahayag kasunod ng ulat base sa monitoring ni US maritime security expert Ray Powell na tumaas pa sa 83 Chinese militia at fishing vessels ang na-ispatang nagkukumpulan sa Pag-asa island noong araw ng Miyerkules. Subalit ayon kay Tarriela bumaba na sa 30 ang bilang ng mga sasakyang pandagat ng China sa lugar nitong umaga ng Sabado